Galido, sinabing pinilit siya ng pulis magsinungaling sa kaso ni Dacera
Ayon kay Rommel Galido, direktang konektado sa kaso ng kamatayan ni Christine Dacera, pinilit siya ng mga pulis na magsinungaling at mag-akusa sa isang tao na nag-‘spike’ ng inumin ni Christine noong party nila pag-Bagong Taon.
Maaalalang si Galido ang nagbitaw ng pahayag na si Dacera ay nagsabing pinaghihinalaan niyang si Mark Anthony Rosales ay mayroong hinalo sa kanyang inumin na nakapag-pasama sa kaniyang pakiramdam.
Sa isang press conference, siniwalat niya na siya nga ay pinilit ng pulis pangalanan si Rosales.
Ayon sa kanya, “Fino-force kami na dapat magsabi, magturo kami ng someone kapalit ng kalayaan namin. Syempre, wala akong alam kung anong dapat gawin. Gulong-gulo ‘yung isip ko.”
Idinagdag pa niya, “Any options i-grab ko para matapos na ‘to kasi ayaw ko na, pagod na pagod na ‘yung katawan ko. Sabi ko do’n, si Mark. Si Mark ‘yung nasabi ko which is hindi naman dapat talaga kasi wala namang sinabi si Christine na Mark. Pero ‘yun ‘yung parang pinipilit.”
Sa parehong araw ng press conference ay isiniwalat din ni JP Dela Serna III na binabawi niya ang pag-tukoy kay Rosales bilang nag-dala ng party drugs sa selebrasyon nila. Ani pa ng abogado ni Dela Serna na ang kaniyang kliyente ay ‘pressured’ ng Makati police na sabihin iyon.
Ani ni Mike Santiago, ang abogado, “Not only that they were pressured, they were intimidated, they were manipulated. Words were put into their mouths. They were subjected to psychological warfare because they lacked sleep, they were under duress.”
Si Christine Dacera ay natagpuan sa bathtub sa isang hotel sa Makati noong ika-1 ng Enero. Pinaghihinalaang siya ay ni-rape saka pinatay. Ang akusasyong ito ay nag-paaresto sa 3 ng mga pinangalangang suspek, ngunit sila ay pinalaya rin kalaunan dahil sa kakulangan ng ebidensya na siya nga ay ginahasa.