Ilang Unibersidad at Kolehiyong breeding ground ng ‘NPA’, pinangalanan ni Gen. Parlade
Ang mga pinaniniwalaan ni General Antonio Parlade Jr. (ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict – NTF-ELCAC) na mga unibersidad at kolehiyo na breeding ground ng NPA ay kanyang pinangalanan.
Ayon kay Parlade, aabot sa 18 tertiary institutions ang nasa listahan ng organisasyon na mayroong aktibong recruitment activities konektado sa komunistang grupo. Kasagaran sa mga ito, nasa Metro Manila.
Bukod umano sa University of the Philippines, may recruitment ring nagaganap sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), Far Eastern University (FEU), Ateneo de Manila University (ADMU), University of Santo Tomas (UST), Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), De La Salle University (DLSU), University of Makati (UMak), at iba pa.
Dinagdag din ni Parlade na may ilang mga guro ang nagpapapasok sa kanilang mga silid-aralan ng mga recruiter mismo ng CPP-NPA.
Iginiit pa ng heneral na tama lamang ang pag-tanggal sa 1989 UP-DND accord.
Ayon kay Parlade, hindi ang pag-aaktibista ang problema ngunit ang pakikipagkaisa sa mga underground organization.
Malakas ang paniniwala ni Parlade na ang terminasyon sa UP-DND accord ay makakapag-bukas ng mas mabusising pag-aaral kung paano nga ba nangyayari ang recruitment na pinaparatang nila.