Lacson kay Duque, ang datos ay dapat ‘validated’ at hindi Googled lamang

Ang naibahaging presyo ng Sinovac vaccines noong Disyembre ng nakaraang taon ay nakuha umano ng DOH sa isang Google search, ayon na rin kay Health Secretary Francisco Duque sa Senate Inquiry na idinaos noong Biyernes.

Pinuna naman ni Senator Panfilo Lacson ang ginawang ito ni Duque, at nagsabi na mas maayos na pagsasaliksik ukol sa presyo sana ang ginawa ng departamento kaysa sa sumalalay lamang sa nasa internet.

Ang presyo ng bakunang ito ay itinalang aabot sa PHP 3,629.50 ng DOH, at ang impormasyong ito ay naisapubliko ng opisina ni Sen. Sonny Angara noong ika-0 ng Disyembre 2020.

Ang halaga ng bakuna ay nagsanhi ng malawakang pamba-bash galing sa publiko nang malaman na ang presyo ng Sinovac sa ibang bansa ay mas mura sa presyong naitala sa Pilipinas.

Tinanong ni Lacson si Duque kung paano nila natukoy ang presyo.

Ayon naman kay Duque, “I was told, Mr. Chairman, ito iyong ginoogle nila at lumabas nga itong sa Reuters.

Nakalagay po rito, ‘Sinovac coronavirus vaccine offered by Chinese city for emergency use costs $60’. Tapos nag-compute po for VAT so mga P300 plus and another iyon pong in-assume nila na inflation, medical inflation, of about another 10%. So lumabas pong P3,629.50.”

Idinagdag ni Duque na ang DOH ay nagbabatay sa mga publication gaya ng Financial Straits para sa kanilang mga impormasyon. Kahit na walang ganitong media organization na rehistrado.

Ang kompyutasyon sa presyo ay ginawa ng Public Health Services Office at Supply Chain Management Office ng DOH.

Pinagsabihan ni Lacson si Duque para sa pamamaraan ng pangangalap ng impormasyon nila para sa mga ulat.

Ani niya, “Maybe this would serve as a lesson for future submission na dapat bago tayo mag-submit, accurate at validated iyong data . . . Du’n medyo nag-start ang controversy, especially sa infographic ng Bangkok Post.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *