Mga Pinoy, pwede na ulit mag-apply para sa US H-2B visa
Pwede na ulit mag-apply ng H-2B visa ang mga Pinoy matapos idagdag pabalik ng United States Department of Homeland Security (DHS) ang Pilipinas sa lista ng mga bansang pwedeng kumuha ng temporary non-immigrant working visa program.
Ayon sa isang pahayag ng US Citizenship and Immigration Services sa website nito, “For 2021, the acting secretary of homeland secretary and secretary of state have agreed to… add the Philippines to the list of countries eligible to participate in the H-2B program.”
Ang anunsyong ito ay dumating sa pagsisimula ng administrasyon ng bagong US President na si Joe Biden.
Simula ika-19 ng Enero maaari nang dalhin ng mga US employers ang mga foreign national sa America upang punan ang temporary non-agricultural na trabaho.
Ani ni Lou Tancinco, isang immigration lawyer sa Estados Unidos, ang pagbabalik ng Pilipinas sa H-2B program ay ‘very timely’ dahil nabanggit ng DHS na ang ilang military projects nito ay nangangailangan ng manpower.
Idinagdag ni Tancinco na ang mga Pinoy na interesadong mag-apply para sa H-2B visa program ay maaari nang makipag-usap sa mga job contractors o ahensya sa US na tatanggap as kanila.
Matatandaang noong Enero ng 2019 pinigilan ang pagpasok ng dagdag na Filipino workers sa ilalim ng H-2A at H-2B na visa dahil sa ‘severe overstaying’ at ‘human trafficking concerns’.