Nabitawan sa baha: Paslit, bangkay nang natagpuan ng ina
Bangkay na nang matagpuan ng kanyang ina ang 2 anyos na batang lalaki matapos itong mahiwalay dahil sa rumaragasang tubig-baha sa Marikina City noong kasagsagan ng hagupit ng bagyong #Ulysses.
Nakita ang bangkay nito ng mga bata sa Barangay Tumana, Marikina at nalaman ng awtoridad na ito pala ang bataynh nawalay na hinahanap ng inang si Ruchie Enabore.
Nakilala agad ni Enabore ang kanyang bunso matapos makita ang tsinelas nito na suot-suot pa rin ng bata kung saan niyakap niya ang putikang katawan ng yumaong anak.
Kwento ni Enabore, malakas na ang hangin pero di pa ganoong kataas ang baha nang paunahin niyang sumakay sa bangka para lumikas ang kanyang mister at kanilang 10 anyos anak na babae. Pero habang naghihintay silang balikan ay bigalang rumagasa na ang tubig-baha.
“Mataas na ‘yung tubig, ginawa ko, pinatong ko siya sa may puno. Tapos nu’ng pataas nang pataas ang tubig, inakyat ko siya nang inakyat hanggang sa natumba ‘yung puno na inaanuhan namin. Tapos lumipat kami du’n sa may kawayan. Yung mataas na kawayan, inaakyat ko pa din siya kahit mataas na ‘yung tubig. Hangga’t natumba ‘yung kawayan na inaanuhan, du’n na kami naghiwalay. Di ko na siya nahawakan,” ani Enabore.
Sa kasulukyan, patuloy pa rin ang paghahanap ni Enabore sa kanyang mister at anak na babae kahit di man tiyak kung nakaligtas ba ang mga ito. Sinagot naman baranggay ang pag-tawag sa punerarya at pag-asista sa naulilang ina para mabigyan ng disenteng libing ang pumanaw nitong anak.